Ni Rochelle Anne Pascual
Photo Source: Getty Images
Patay na 'ko
Patay na hindi nakalibing sa ilalim ng lupa o kahit lamayan ay hindi tanggap
Patay na walang kabaong na pagluluksaan o lagayan ng abo na rekwerdo sa iyong tulugan
Patay na hindi kailangang alayan ng dasal at bulaklak, kahit kandila at kape ay iniiwasan
Patay na hindi humihingi ng pakikiramay at sariling dalamhati lamang ang tinatanggap
Patay na ako
Namatay sa gitna ng hindi matapos-tapos at paulit-ulit na bagong silang na pandemya
Namatay ngunit hindi ang nakahahawang sakit o isang karamdaman ang dahilan nang pagkawalay
Patay na hindi makikilala, kahit magulang at kapatid ay lubusang mag-aakala
Namatay sa paggapos, hinagpis at walang-awang pagdurusa
Pinatay ako
Pinatay nang mahiwalay sa mga taong malapit sa buhay at mapag-isa sa gitna ng mapanganib na himagsik ng
mundo
Pinatay ng nanlilimahid pero patuloy na tinatanggap at hindi maayos na sistema ng edukasyon
Pinatay ng gobyernong gahaman sa kapangyarihan at sinasamba ang sariling kaluwalhatian lamang
Pinatay ng mga taong akala mo'y susuporta sa ganitong peligro pero pinanood ka lamang hanggang sa huling
hininga ng iyong bangungot
Patay na 'ko
Patay na hinahanap ang daan pabalik sa sinapupunan ng lupa
Patay na naghukay at naglibing sa sariling walang-buhay na bangkay
Patay na inaabangan ang darating at ibibigay na bagong bukas
Patay na naghihintay sa pag-asang muling pagkabuhay
Patay na 'ko
Patay na nagbibigay oras sa silakbo ng puso at damdamin
Patay na hindi makapaghintay sa pag-alpas sa impyerno at pagkawala sa rehas ng gulo
Patay na hindi maglalaan ng pahimakas o huling habilin dahil sa inaantay
Ang dalisay na pag-asa ng langit na handang-handang tanggapin upang mabuhay
Damayan mo 'ko at mamatay
Comments