By Glen Aubrey E. Papillerin
Photo Source: The Spruce Crafts
Tagu-taguan maliwanag naman ngunit ‘di mo tinanaw
Nagtago ako ngunit ‘di mo hinanap kaya pumanaw.
Tinuro ng tadhana ang kinaroroonan,
Ngunit ‘di nilingon at naghanap sa ibang palaruan.
Kaya’t dilim ang sumaklolo,
Hindi ko kinailangan pero siyang nagsabing ako ay naloko.
Taya, taya nanaman, nakasabit sa’king ngalan.
Sinabing sandali muna ngunit ‘di na napagbigyan.
Sumubok ng ibang laro, parang gomang pilit inaabot
Ngunit may mataas na sandigan kaya’t tanging poot ang nahakot.
Pero minsang kang naging taya, hinayaan kang hawakan ako.
Para ako ang sumalo ng panibagong ugong ng pagtakbo.
Nagbilang ako, hindi para sa mga magtatago.
Binilang ko ang mga segundo kung tama pa ba ito?
O hihinto ko na ang pakikipag-laro?
Uuwi na ba ako o uuwi pa ba’ko?
Ngunit dumating ka, sinabing “Tara na!”
Umikot nanaman ang langit, sagot ko’y “Sige, sasama na”
‘Di tumigil ang mundo tulad ng pag agos ng tuwa sa mata.
Alam ko mang mali, mali, ngunit bahala na sa tuwina.
コメント